ATLANTA-- Nagposte si Paul Millsap ng 28 points at 15 rebounds, habang lima pang Atlanta players ang umiskor sa double figures para idiretso ang franchise-record winning streak ng Hawks sa 17 matapos kunin ang 113-102 panalo laban sa Brooklyn Nets.
Naipanalo ng Atlanta (38-8) ang 31 sa kanilang 33 laro at nangunguna sa Eastern Conference.
Kumawala ang Hawks sa final quarter kung saan sila lumamang ng 15 puntos.
Winakasan ni Millsap ang pag-asa ng Brooklyn mula sa kanyang 3-pointer sa huling 2:34 minuto para ibigay sa Atlanta ang 109-98 abante.
Pinangunahan ni Joe Johnson ang Nets sa kanyang 26 points at hindi ito naging sapat para malasap ng Brooklyn ang kanilang ika-11 kabiguan sa huling 13 laro.
Sa Cleveland, umiskor si Kyrie Irving ng career-high 55 points sa kanyang pagsalo sa naiwang trabaho ni LeBron James para akayin ang Cleveland Cavaliers sa 99-94 panalo laban sa Portland Trail Blazers.
Ito ang pang-walong sunod na panalo ng Cavaliers, hindi nakuha ang serbisyo ni James na may sprained right wrist.
Ang point total ni Irving ang pinakamataas ngayong season matapos lampasan ang 52 points nina Golden State Warrior’s Klay Thompson at Mo Williams ng Minnesota.
Sa Philadelphia, tumipa si Robert Covington ng 19 points, habang nagtala si Michael Carter-Williams ng 14 points at 10 assists para sa 89-69 panalo ng 76ers laban sa Detroit Pistons.