Kakaiba ang inihain ni Manny Pacquiao na tanong nang mag-judge siya sa Miss Universe contest nung Lunes sa Florida.
Si Miss USA ang natapat kay Pacquiao sa question and answer portion para sa mga contestants na pumasok sa top five.
Marami ang umasa na magtatanong si Pacquiao tungkol sa pulitika, dahil isa siyang Congressman, o relihiyon, dahil isa siyang bible preacher.
May mga nag-isip din na itanong sana ni Pacquiao ang tungkol sa mailap na laban niya kay Floyd Mayweather Jr.
Pero none of the above.
Tinanong ni Pacquiao si Miss USA kung ano ang mensahe na gusto niyang iparating sa mga global terrorists o mga taong gustong maghasik ng lagim.
Marami ang nagulat sa tanong.
Pati si Miss USA ay tila nagulat. Inulit pa niya ang tanong para masiguro lang niya na tama ang intindi niya.
Natural, positibo ang sagot niya, na bilang Miss USA ay nais niyang ipakalat ang mensahe ng love (pag-ibig), hope (pag-asa) and peace (katahimikan).
Maayos at simpling-simple ang sagot.
First runner-up ang tinapos ni Miss USA na si Nia Sanchez at inihalal na 2015 Miss Universe si Miss Colombia na si Paulina Vega.
Ang Miss Philippines na si MJ Lastimosa ay umabot sa top 10.
Balikan natin ang hindi matuluy-tuloy na laban nina Pacquiao at Mayweather.
Ano nga kaya kung yun ang tinanong ni Pacquiao kay Miss USA.
“Sa tingin mo, dapat na ba akong labanan ni Mayweather? At kung hindi ay bakit?”
Ganun sana ang linya.
Baka maging si Miss USA ay magsabing dapat na ngang harapin ni Mayweather si Pacquiao sa loob ng boxing ring.
Yun kasi ang nasa isip nating lahat.