MANILA, Philippines – Susuyurin ng Ronda Pilipinas ang buong Pilipinas para makatuklas ng bagong talento na magagamit ng Pambansang koponan sa hangaring tagumpay sa sasalihang international competitions.
Ito ang pangunahing misyon ng pakarerang handog ng LBC sa paglarga ng tatlong regional eliminations sa susunod na buwan para madetermina ang mga siklistang papasok sa Championship Round mula Pebrero 23 hanggang 28.
“We want Ronda to be a vehicle for our Filipino cyclists especially the young and talented ones while giving them a chance to make a living,” wika ni Moe Chulani, Executive Project Director ng Ronda Pilipinas.
Para mabigyan lahat ng pagkakataon, binuksan na ang karerang ito sa mga siklistang edad 17-anyos at ang mga lulusot ay magkakaroon ng ibang distansyang karera.
“We’re trying to lure young talents particularly the 17-18 age group. If they join, they will have their own specific rules to protect them,” ani ni Ronda adminisrtrator Jack Yabut.
Halagang P1,000.00 lamang ang entry fee sa bawat karera sa qualifying round at ang Mindanao ang unang magdaraos nito sa Pebrero 8 at 9. Sunod ang Visayas sa Pebrero 11 at 12 bago ang Luzon sa Pebrero 15-16.
Ang mga mangungunang 30 riders sa bawat qualifying leg ang papasok sa Championship round na kung saan aabot sa 2,015 kilometers ang tatahakin ng karera at ito ay magsisimula sa Calamba, Laguna at magtatapos sa Baguio City.
Nakatiyak na ng puwesto sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation bukod pa ng Maynilad, NLEX,Standard Insurance, Petron, Greenfield City, Viking Rent A Car at Radio1 Solutions, ang nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza at ang mga national riders sa pangunguna ni Mark Galedo.