Grupo ni Prince Harry kikilos para sa Pacquiao-Khan fight sa London kung...

MANILA, Philippines – Kung paniniwalaan si Bob Arum ng Top Rank Promotions ay may posibilidad na masangkot ang pangalan ni Prince Harry sa maaaring banggaan nina Manny Pacquiao at Amir Khan.

Ito ay kung muling ba­bagsak ang negosasyon para sa salpukan nina Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) at Floyd Mayweather, Jr. (47-0-0, 26 KOs) na nauna nang itinakda sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“Prince Harry has a group looking to put on a Manny Pacquiao fight in London,” ani Arum. “Khan would certainly make sense, and it’s an interesting fight. But remember -- all that is a backup plan. We are still trying to nail down the Mayweather fight. We need Mayweather to say yes.”

Kamakailan ay nakasalo ni Pacquiao at ng asawa nitong si Jinkee si Prince Harry, anak nina Prince Charles at namayapang si Princess Diana, sa isang hapunan sa London.

Matapos ito ay nagkita si Pacquiao at Khan (30-3-0, 19 KOs) kung saan sinabi ng Filipino world eight-division champion na malaki ang posibilidad na labanan niya ang dating Briton world welterweight king.

Ito ay kung hindi maitutuloy ang salpukan nila ni Mayweather.

Sina Pacquiao at Khan ay ilang beses nang nagsabay sa pagsasanay sa ilalim ni chief  trainer Freddie Roach.

Ang 28-anyos na si Khan ay kasalukuyang nasa bakuran ni Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions at may advisory contract kay Al Haymon, ang adviser din ni Mayweather.

Sinabi pa ng promoter na umaasa siyang matutuloy pa rin ang Pacquiao-Mayweather mega showdown.

Show comments