Valdez muling hinirang na Ms. Volleyball sa PSA Annual Awards sa Pebrero 16

MANILA, Philippines - Babanderahan ni vol­ley­ball superstar Alyssa Valdez ng Ateneo Lady Eagles ang tatlo pang indi­bidwal na gagawaran ng spe­cial award mula sa Philippine Sportswriters Association sa susunod na buwan sa Annual Awards Night na inihahandog ng Milo.

Muling hinirang si Valdez bilang Ms. Volleyball matapos igiya ang Lady Eagles sa kanilang kauna-unahang UAAP women’s volleyball championship matapos talunin ang karibal na De La Salle, nagbitbit ng ‘thrice-to-beat’ advantage sa finals.

Nauna nang kinilala si Valdez bilang Ms. Volleyball ng PSA noong nakaraang taon.

Bukod kay Valdez, ang tatlo pang bibigyan ng special award ay sina jin Jean Pierre Sabido (Mr. Tae­kwondo) at sina Tony Las­cuna at Princess Superal (Gol­fers of the Year) mula sa pinakamatandang media organization sa bansa sa formal rites na nakatakda sa Pebrero 16.

Ang apat ay kasama sa halos 70 personalities at entities na magsasalo sa entablado sa annual formal affair na inihahandog din ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman Richie Garcia.

Dalawang gold medal ang pinitas ni Sabido mula sa men’s individual freestyle at team events ng ninth World Taekwondo Poomsae Championships sa Aguascalientes, Mexico.

Hinirang siyang MVP sa freestyle event ng torneo.

Kinuha rin ni Sabido ang gintong medalya (indi­vidual freestyle) sa third Asian Taekwondo Poomsae Championship sa Tashkent, Uzbekistan.

Samantala, ibinulsa ni Lascuna ang ICTSI Philippine golf Tour Order of Merit crown sa ikatlong sunod na taon matapos bumandera sa annual event mula sa kan­yang kabuuang premyo na P3,181,565.

Pinagreynahan naman ni Supe­ral, ang top amateur golfer ng bansa, ang ilang torneo sa US at Southeast Asia.

Ang 17-anyos na ace shotmaker ang kauna-una­hang Philippine-born player na nagbulsa sa tropeo ng United States Golf Asso­ciation event makaraang gulatin si three-time Wo­men’s Mexican Amateur champion Marijosse Na­var­ro para sa US Girls Ju­nior Championship sa Fo­rest Highlands Golf Club sa Flagstaff, Arizona.

Nakipagtulungan siya kay Mia Legaspi at sa Phi­lip­pine team para talunin ang mga Thais at kunin ang Santi Cup sa 13 strokes sa Empire Hotel and Country Club sa Brunei.

Nauna nang inilista ng PSA bilang bahagi ng kanilang honor roll sa event na itinataguyod ng Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Globalport, at Rain or Shine bilang mga tra­­ditional backers sina PBA Grand Slam coach Tim Cone (Excellence in Bas­ketball) at ang 1973 Phi­lippine men’s team (Lifetime Achievement Award).

Show comments