MANILA, Philippines - Ipinakita ng Cagayan Valley Rising Suns na sila ang dapat katakutan sa PBA D-League Aspirants’ Cup nang ipalasap sa Hapee Fresh Fighters ang kauna-unahang pagkatalo nito mula sa 80-77 panalo kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Naipasok ni Abel Galliguez ang krusyal na three-pointer sa huling segundo ng laro para wakasan ang sampung sunod na panalo ng Hapee at isulong sa 10-0 ang baraha ng Cagayan.
Naitabla ni Troy Rosario ang iskor sa 77-77 mula sa kanyang dalawang free throws at matapos ang tres ni Galliguez ay sumablay ang 3-point attempt ni Garvo Lanete.
May 16 puntos si Galliguez, habang ang No. 1 rookie pick na si 6-foot-7 Moala Tautuaa ay humakot ng 24 puntos, 9 rebounds at 4 assists.
Inangkin naman ng Jumbo Plastic Giants ang ikaapat na upuan at ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals matapos patumbahin ang MJM M-Builders, 88-80.
Nalagay sa must-win ang Giants matapos kalusin ng Cebuana Lhuillier Gems ang MP Hotel Warriors, 93-62, sa unang laro.