Gems pinirata ang Pirates

Laro sa Huwebes

Ynares Arena, Pasig City

12 n.n. MP Hotel vs Cebuana Lhuillier

2 p.m. MJM Builders vs Jumbo Plastic

4 p.m. Hapee vs Cagayan Valley

MANILA, Philippines – Isang inspiradong Cebuana Lhuillier Gems ang nakitang sumagupa sa Bread Story-LPU Pirates tungo sa 90-78 tagumpay at makasalo sa mahalagang ikaapat na puwesto sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Bumira agad ng dalawang triples si Almond Vosotros para bigyan ang Gems ng 10 puntos kala­mangan matapos ang unang yugto, 23-13, bago hinalinhinan ni Simon Enciso na kumana ng siyam na puntos sa ikalawang yugto para ibaon pa ang Pirates sa 43-31.

“Alam ng mga pla­yers ang kahalagahan ng la­rong ito. Pero kailangan pa ng consistency bilang paghahanda na rin sa quarterfinals,” wika ni Gems coach David Zamar.

Si Enciso ang nanguna sa Cebuana sa kanyang 24 puntos mula sa bench at nakuha niya ito sa pa­mamagitan ng 9-of-13 shooting, lakip ang apat na triples.

Sina Ken Acibar at John Lopez ay naghatid sa 20 puntos habang si Vosotros ay may anim para sa Gems na pinantayan ang 6-4 karta ng pahingang Jumbo Plastic Giants sa pang-apat na puwesto.

Ang Gems at Giants ay lalaro sa Huwebes kontra sa MP Hotel Warriors at MJM Builders at kailangan ng Gems na manalo at matalo ang Giants para makuha ang ikaapat na puwesto at ang mahalagang twice-to-beat advantage.

Bumaba ang Pirates sa 4-6 baraha at kailangan nilang manalo sa huling laban kontra sa Racal Motors Alibaba dahil tinalo ng Tanduay Light Rhum Masters ang AMA University Titans, 74-66.

Tinapos ng Tanduay ang kampanya bitbit ang 5-6 baraha at makukuha nila ang ikaanim at huling upuan na aabante sa susunod na round kung matalo ang Bread Story.

Kapag nagwagi ang Pirates, sila ang aabante dahil sa winner-over-the-other rule

Tinambakan ng Café France Bakers ang Wangs Basketball Couriers, 68-50, para wakasan ang kam­pan­ya sa elimination round bitbit ang limang sunod na panalo tungo sa 9-2 baraha.

Show comments