Kontrata nina Barriga, Suarez sa APB, ipinasisiwalat ng POC sa ABAP

MANILA, Philippines - Dapat ilabas ng Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) ang kontratang pinasok nang isinali ang mga boksingerong sina Olympian Mark Anthony Barriga at Charly Suarez sa AIBA Pro Bo­xing (APB).

Ito ang inihayag ni POC 1st Vice President Joey Romasanta matapos malaman na hindi makakasama sa bubuuing Pambansang delegasyon ang Olympian at 2013 Myanmar SEA Games gold medalist na si Mark Anthony Barriga at Asian Games silver meda­list na si Charly Suarez sa Singapore SEA Games.

“If they were more transparent with this we shouldn’t be asking questions now,” wika ni Romasanta. “Now we are faced with questions that could have been avoided.”

Naguguluhan si Roma­santa sa kung bakit ipinasok ng ABAP sina Barriga at Suarez sa APB gayong masasaga­saan nito ang ibang torneo na kailangan ang serbisyo ng dalawa.

Isa na ang SEA Games na kung saan sinasabing patok sa ginto ang dalawa. Naghahabol ng ginto ang Pilipinas sa Singapore para makabangon mula sa pinakamasamang pagtatapos na ikapitong puwesto sa Myanmar.

Ang nangungunang wa­long boksingero sa mundo sa bawat dibisyon ay inimbitahang sumali sa APB na isang professional tournament pero dahil sakop ng AIBA ay hindi nawawala ang pagiging amateur boxers ng mga sasali.

Ngunit habang bina­ba­yaran ang boksingero at ang pederasyong kinakatawan nito, hindi na pinahihintulutan ng AIBA ang mga boksingerong na maglaro sa mga kompetisyon mababa sa World o Continental Championships.

Sinabi ni Picson na na­­kikipag-ugnayan ang ABAP sa AIBA para linawin kung puwede pa ba o hindi sina Barriga at Suarez na maglaro sa Singapore.

Kung hindi ay may mga pamalit naman silang boxers na puwedeng manalo. Idinagdag pa ni Picson na wala ring katiyakan na kung sina Barriga at Suarez ang ilaban ay sure gold na ang mga ito, katuwirang hindi sinang-ayunan ni Romasanta.

“Was that their primary intention? Or are the others being given the chance now because Barriga and Suarez are no longer available,” dagdag ni Roma­santa.

Para malinawan kung makakabuti ba ang pagsali ng Pilipinas sa APB ay dapat ilabas ng ABAP ang kontratang pinasok sa bagong ligang ito. (AC)

Show comments