‘Twice-to-beat’ incentive sa quarters hangad ng Bakers kontra sa Gems

MANILA, Philippines – Tatargetin ng Café France ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals kung mananalo sa Ce­buana Lhuillier Gems sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym, Cubao, Quezon City.

Ikalawang laro ito sa triple-header game at magsisi­mula matapos ang laro ng Bread Story-LPU Pirates at Wangs Basketball Couriers sa alas-12 ng tanghali.

Parehong may 2-5 baraha ang Pirates at Couriers kaya masasabing ‘do-or-die’ game na ito para sa dalawang koponan.

Ang ikatlo at huling laro ay sa panig ng Cagayan Valley Rising Suns at Tanduay Light Rhum Masters sa alas-4 ng hapon at balak ng una na kunin ang ika-siyam na sunod na panalo para makatabla ang Hapee Fresh Fighters sa unang puwesto.

Pasok na ang Rising Suns at Fresh Fighters sa se­mi­finals dahil tiyak na ang pag-okupa nila bilang unang da­lawang koponan sa elimination round at ang pinag­lalabanan na lamang ay ang seeding sa Final Four.

Papasok ang Bakers mula sa 20 araw na bakasyon pero nananalig si coach Edgar Macaraya na hindi nawala ang kondisyon ng mga manlalaro lalo pa’t insentibo sa quarterfinals ang makukuha nila kung manalo.

Huling naglaro ang Bakers ay noon pang Disyembre 18 at nanalo sila sa Pirates, 88-74.

Show comments