MANILA, Philippines – Pinataob ng Hapee Fresh Fighters at Cagayan Valley Rising Suns ang mga nakatunggali para okupahan na ang unang dalawang puwesto sa semifinals sa pagbabalik laro ng PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Hindi nakasama ng Fresh Fighters ang mga higanteng sina Ola Adeogun at Arnold Van Osptal pero naroroon sina Troy Rosario at Garvo Lanete para ibigay sa koponan ang ika-siyam na sunod na panalo sa 70-60 tagumpay laban sa Racal Motors Alibaba.
May 20 puntos at walong rebounds si Rosario habang siyam na puntos ang hatid ni Lanete. Si Bobby Ray Parks, Jr. ay mayroong anim na puntos at anim na assists habang ang limang iba pang players na naglaro ay naghatid ng hindi bababa sa tatlong puntos.
Sina Adeogun at Van Opstal ay nagbabakasyon pa sa Nigeria at Germany.
“Nanalo kami dahil nagtulungan lahat sa pagdepensa,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.
Inangkin naman ng Rising Suns ang ikawalong sunod na panalo matapos ang 89-78 panalo laban sa AMA University Titans.
Si Abel Gallinguez ay may 20 puntos at siyam na sunod ang kanyang kinamada matapos makapanakot sa huling pagkakataon ang Titans sa 65-68.
May 11 sa huling yugto si Gallinguez habang si Don Trollano, Moala Tautuaa at Jason Melano ay nagsanib sa 35 puntos.
“Our mindset was to be aggressive and that’s what I did,” wika ni Gallinguez na mayroon ding tig-dalawang assists at steals sa 25 minutong paglalaro.
Kumapit pa ang Jumbo Plastic Giants sa mahalagang ikaapat na puwesto nang lusutan ang Tanduay Light Rhum Masters, 68-59, sa ikatlong laro.
Sina Philip Paniamogan, Jaymo Eguilos at Mark Cruz ay gumawa ng 14,13 at 11 puntos para kunin ng Giants ang ikaanim na panalo matapos ang siyam na laro para manatiling matibay ang paghahabol ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.