MANILA, Philippines – Isang 7-footer ang maaaring maglaro sa PBA para makasama sina 7-4 Peter John Ramos ng Kia at 7-1 Chris Charles ng Blackwater.
Sinabi kahapon ni Barako Bull coach Koy Banal na malapit na nilang mapapirma ang 7-1 at 240-pounder na si Solomon Alabi ng Nigeria bilang import para sa darating na Commissioner’s Cup na magsisimula sa Jan. 27.
Bilang mga last four placers sa Philippine Cup, ang No. 9 Barako Bull, No. 10 NLEX, No. 11 Kia at No. 12 Blackwater, ay pinayagang kumuha ng import na walang height limit.
Ang height limit para sa mga imports ng iba namang koponan ay 6-9.
“We haven’t decided (on our import) yet,” sabi ni Banal. “We actually have a short list. We considered Dan Gadruric and Brian Cook but they were hired in Lebanon. We’re looking at DeVon Hardin, Liam McMorrow, Kevinn Pinkney and Alabi. We hope to bring in our import by Jan. 15.”
Isa lamang ang agent nina Pinkney at Alabi.
Ang 26-anyos na si Alabi ay ang Dallas Mavericks’ second round draft pick noong 2010 at naglaro ng dalawang seasons para sa Toronto Raptors kung saan siya tumanggap ng $1.6 milyon.
Nagtala siya ng kabuuang 39 points at 61 rebounds sa 26 total games.
Naglaro rin ang Nigerian center ng tatlong seasons para sa Florida State varsity at naging import ng Yulon Luxgen sa Taiwan League noong nakaraang season kung saan siya nagposte ng mga averages na 12.8 points, 13.9 rebounds at 2.1 blocked shots sa 26 games.
Magiging opsyon naman nila ang 6-10, 244-pounder na si Pinkney na nakalaro si dating PBA import Nick Fazekas sa University of Nevada sa Reno varsity.
Matapos makita sa anim na laro para sa Boston Celtics noong 2006-07, ay kumampanya si Pinkney sa France, Poland, Italy, Israel, Russia, Slovenia, Turkey, Puerto Rico at China.