MANILA, Philippines – Tatangkain ni Dennis Orcollo ang unang panalo sa bilyar sa bagong taon sa pagbitbit sa Pilipinas sa 2015 Joy Cup World Chinese 8-Ball Masters sa Qinhuangdao, China.
May 12 dayuhan at 12 Chinese cue artists ang maglalaban-laban sa kompetisyong gagawin mula Enero 5 hanggang 8 at ang magkakampeon ay gagawaran ng $48,400.00 mula sa $113,500.00 kabuuang premyo.
Unang pagkakataon na may inimbitahan Filipino sa nasabing kompetisyon at tiyak na gagawin ni Orcollo ang lahat ng makakaya para mapanalunan ang unang kompetisyon na sasalihan sa taon.
Tinapos ni Orcollo, na magdiriwang ng kanyang ika-36th na kaarawan sa Enero 27, ang 2014 bitbit ang $90,575.00 kita para okupahan ang ikaapat na puwesto sa talaan ng kinita ng mga pool players base sa website na Azbilliards.
Babalik para idepensa ang koronang napanalunan noong nakaraang taon si Gareth Potts ng Great Britain at ang mga kababayan na sina Daryl Peach, Darren Appleton, Chris Melling at Karl Boyes ay lalahok din.
Sina Earl Strickland ng USA, Alex Pagulayan ng Canada, Naoyuki Ooi ng Japan, Stephen Hendry ng Scotland at Anna Mazhirina ng Russia ang kukumpleto sa mga bisitang manunumbok.
Pamumunuan naman ni Shi Hanqing ang laban ng mga Chinese players matapos ang pangalawang puwestong pagtatapos noong 2014.
Hahatiin ang 24 manlalaro sa apat na grupo na bubuuin ng tatlong Chinese at dayuhang manlalaro. Ang mangungunang dalawang manlalaro bawat grupo ay aabante sa quarterfinals. Race-to-13 ang labanan mula group elimination hanggang sa finals.