MANILA, Philippines – Malaki ang naitulong ng paglalaro sa Gilas Pilipinas ni June Mar Fajardo para maging pinakadominanteng sentro sa PBA ngayon.
Ang karanasang harapin ang mga malalaking dayuhan sa huling dalawang taong paninilbihan ng 6’10 na si Fajardo sa mga international tournaments na sinalihan ay kanyang nagamit para maliitin ang hamong ibinibigay ng mga katapat sa PBA.
Sa serye lamang ng San Miguel Beer at Talk ‘N Text ay lutang ang lakas ni Fajardo laban sa mas maliliit na katapat upang bitbitin ang Beermen sa 4-0 sweep sa kanilang semifinals series.
Ang huling dalawang laro ay nangyari nitong nakaraang linggo at hindi nakaapekto kay Fajardo ang pisikal na depensa na ginawa ng Tropang Texters para ipasok na sa finals ang koponan.
May 18 puntos at siyam na rebounds ang 25-anyos tubong Pinamungahan, Cebu sa Game Three ngunit naroroon ang suporta ng mga kakamping sina Arwind Santos at Alex Cabagnot para sa 96-95 panalo noong Disyembre 23.
Tatlong araw ang lumipas ay bumalik ng court ang dalawang koponan at ang napahingang si Fajardo ay mas dominante sa kinanang 28 puntos, 16 rebounds, limang assists at dalawang blocks tungo sa 100-87 panalo.
Pinaglaro si Fajardo sa loob ng 40 minuto at ang naiambag sa laro ay ikalawang pinakamaganda matapos ang 36 puntos at 17 rebounds sa 90-74 tagumpay laban sa Kia noong Nobyembre 19.
Pahinga muna ang Beermen at hihintayin ang mananalo sa pagitan ng Alaska Aces at Rain or Shine Elasto Painters para sa labanan sa finals.
“Walang madali sa ligang ito kaya kailangan na galingan pa namin,” wika ni Fajardo na naghatid ng 23 puntos, 12.5 rebounds at 3.5 assists sa huling dalawang laro para igawad sa kanya ang ikalawang Accel-PBA Press Corps. Player of the Week mula Disyembre 23 hanggang 28.
Dinaig ni Fajardo para sa lingguhang citation sina Cyrus Baguio at Calvin Abueva ng Alaska na angat sa RoS, 3-2, sa kanilang serye. (AT)