MANILA, Philippines - Sadyang natatakot lamang si Floyd Mayweather, Jr. na labanan si Manny Pacquiao.
Kaya naman atubili ang American world five-division titlist na maitakda ang kanilang super fight ng Filipino world eight-division champion.
Ayon kay chief trainer Freddie Roach, gusto lamang ng 37-anyos na si Mayweather na magretiro nang walang nalalasap na kabiguan.
“I think he is just a little bit afraid to take a challenge like Manny,” wika ni Roach kay Mayweather sa panayam ng The Fight Game ng HBO. “ He is just in love with that zero on that record.”
Halos limang taon nang pinipilit na maplantsa ang negosasyon para sa mega showdown nina Pacquiao at Mayweather.
Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nangyayari.
Matapos dominahin si American challenger Chris Algieri noong Nobyembre 23 ay matapang na hinamon ni Pacquiao si Mayweather.
Ngunit pawang pang-aasar lamang sa 36-anyos na Filipino boxing superstar ang isinagot ng American fighter sa social media.
Sa isang panayam ng Showtime ay pumayag na si Mayweather na labanan si Pacquiao, ngunit hindi na niya bibigyan ng premyong $40 milyon ang Sarangani Congressman.
Sinabi naman ni Pacquiao na hindi niya iniisip ang poremyo kundi ang tuluyan nang makasagupa sa ibabaw ng boxing ring si Mayweather.
Ayon kay Roach, bilang isang kampeon ay hindi dapat namimili ng kanyang lalabanan si Mayweather.
Hindi rin pinaligtas ni Roach ang pagpili ni Mayweather na muling labanan si Marcos Maidana sa ikalawang sunod na pagkakataon ngayong taon.
“He picks his own opponent. He fought the same guy twice,” ani Roach.