MANILA, Philippines - Handang makipag-usap ang POC 1st Vice President at pinuno ng 5-man volleyball committee na si Joey Romasanta sa mga manlalaro para maipaliwanag ang estado ng kanilang sport.
“May mga taong kilala ang mga manlalaro ang gustong mamagitan para makausap ko ang mga players para maipaliwanag ang problema sa Philippine Volleyball Federation (PVF). Open ako pero ang problema ay gusto ata ng mga players na isama rin ang kanilang mga coaches at iba pang officials. Doon ako hindi payag dahil hindi makakapagsalita ng tunay na saloobin ang mga atleta kung kasama ang mga coaches,” wika ni Romasanta.
Idinagdag pa ng opisyal na ang kapakanan ng mga manlalaro ang tunay na makikinabang kung maaayos ang problema sa NSA dahil hindi makakalaro ang binuong nationals men’s at women’s team sa Southeast Asian Games sa Singapore kung walang basbas ang Philippine Olympic Committee (POC).
“Ilang beses na may nangyari na hindi nakasali ang isang delegasyon dahil walang basbas ng POC. Kaya nga gusto nating ayusin ang NSA para ma-recognized ng POC at mawala ang problema,” dagdag nito.
Isang eleksyon ang gagawin ng PVF sa Enero 9 ngunit ngayon pa lamang ay sinasabi ni Romasanta na hindi ito papasa sa POC at walang ipadadalang observer.
Ipinaliwanag ni Romasanta na dalawang magkakaibang listahan ang opisyales na hawak ng PVF at nagtataka sila kung bakit may dalawang Konstitusyon ang samahan.
Kasama ni Romasanta sa 5-man committee sina Mossy Ravena, ang POC Legal Counsel Atty. Ramon Malinao, Ateneo board representative at V-League organizer Ricky Palou at Chippy Espiritu na kasama sa working group sa Singapore SEA Games Task Force.
Si Ramon “Tats” Suzara na miyembro ng AVC ay hindi sumama pero ginagabayan niya ang komite para mangyari ang hinahangad na pagkakaisa ng lahat ng stakeholders sa Philippine volleyball.
Sa ngayon ay isinantabi muna ng komite ang usaping liderato sa PVF at pinagtutuunan ang pagbuo ng malakas na women’s U23 national team na hahawakan ni Roger Gorayeb at Sammy Acaylar.
Ang koponan ay maghahanda para sa 1st AVC U-23 Championship na gagawin sa Pilipinas sa Mayo.
Isang tryouts ang gagawin sa Enero at inaasahang dadalo ang mga mahuhusay na manlalaro ng Ateneo, San Sebastian at Perpetual Help na kung saan konektado sina Palou, Gorayeb at Acaylar.
Ang ibang manlalaro ay inaasahang sasama sakaling makita na maraming manlalaro ang tutugon sa tryouts na ipatatawag. (AT)