MEMPHIS, Tenn. – Nakaalis na si Chicago rookie Nikola Mirotic ng kanilang locker room bago man siya matanong ng media kaugnay sa perpekto niyang three-point shooting.
Halos lahat naman ng Bulls ay handang magsalita para purihin ang kanilang reserve forward.
Umiskor si Mirotic ng career best 27 points, tampok ang 6-fo-6 shooting sa 3-point line, habang kumamada si Jimmy Butler ng 31 points para igiya ang Bulls sa 103-97 panalo laban sa Grizzlies.
Tinapos ng Chicago ang six-game winning streak ng Memphis.
“Niko was huge with the energy right off the bench,’’ sabi ni Butler kay Mirotic.
Si Mirotic ang pumigil sa ilang tangkang pagdikit ng Memphis sa first half.
Sa second quarter ay nagsalpak siya ng apat na 3-pointers para ibigay sa Bulls ang 51-43 bentahe sa halftime.
Ang kanyang anim na 3-pointers ay isa ring season-best.
Nagdagdag naman si Aaron Brooks ng 17 points at humakot si Joakim Noah ng 10 points at 13 rebounds.
Pinamunuan ni Mike Conley ang Grizzlies sa kanyang 21 points, habang nag-ambag ng 15 si Beno Udrih bago iwanan ang laro dahil sa kanyang hand injury sa fourth quarter.
Tumipa si center Marc Gasol ng 13 points, ngunit may malamyang 5 of 15 fieldgoal shooting kasunod ang 10 points ni Vince Carter.
Sa San Antonio, naghatid ng career-high 43 puntos si Damian Lillard para bigyan ang Portland Trail Blazers ng 129-119 triple-overtime panalo laban sa Spurs.
Ito ang ikalawang sunod na triple-overtime game ng Spurs at natalo sila sa ikalawang sunod na pagkakataon.
May 16 puntos si Lillard sa mga extra periods para lumapit ng kalahating laro sa Memphis sa ikalawang puwesto sa Western Conference.
Tumapos pa ng 32 puntos at 16 rebounds si LaMarcus Aldridge habang 16 puntos ang iniambag ni Wesley Matthews para sa Blazers na nanalo rin sa ikaapat na sunod na pagkakataon.
Sa isa pang mga laro, ang Denver ay humirit ng 109-106 tagumpay sa LA Clippers, nanaig ang Washington sa Miami, 105-103, hiniya ng Toronto at Detriot, 110-100, ang Cleveland ay nakalusot sa Brooklyn, 95-91, ang Oklahoma ay nanaig sa Los Angeles Lakers, 104-103, ang Utah ay wagi sa Orlando, 101-94, ang Charlotte sa Philadephia,109-91, habang ang Boston ay namayani sa Minnesota, 114-98.