OAKLAND, Calif.--Bumangon ang Golden State Warriors mula sa maagang 17-point deficit para balikan ang Oklahoma City, 114-109, tampok ang 34 points at 9 assists ni guard Stephen Curry.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 19 points para sa Warriors, muling naglaro nang wala sina injured center Andrew Bogut (right knee) at forward David Lee (left hamstring).
Hindi naman natapos ni Thunder star Kevin Durant ang laro matapos magkaroon ng sprained right ankle.
Naglista si Durant ng season-high 30 points mula sa 10-for-13 shooting sa first half bago niya natapakan ang paa ni Marreese Speights.
Sinabi ng Thunder na si Durant ay nagkaroon ng mild ankle sprain.
Natapos ang seven-game winning streak ng Oklahoma City dahil sa kanilang pagkatalo sa Golden State.
Nauna nang natapos ang 16-game winning ng run ng Warriors makaraang matalo sa Memphis Grizzlies noong Martes.
Samantala, dadalhin ng Boston Celtics si point guard Rajon Rondo sa Dallas na magbibigay kay Dirk Nowitzki at sa Mavericks ng tsansa para sa korona.
Ibibigay ng Celtics sina Rondo at forward Dwight Powell sa Mavericks kapalit nina Jameer Nelson, Jae Crowder, Brandan Wright, dalawang draft picks at isang $12.9 million trade exception.
“Welcome to Rajon Rondo the newest member of the Dallas Mavericks,” isinulat ni team owner Mark Cuban sa kanyang social media application Cyber Dust ilang sandali bago ang official announcement.
Pinasalamatan din ni Cuban ang tatlong dati niyang players at tinawag silang ‘’Amazing players and better people.’’
Nasikwat naman ng Boston ang isang first-round pick para sa 2015 draft at isang second-rounder para sa 2016.
Ang Celtics ay mayroon nang walong first-round picks sa susunod na apat na taon mula sa mga trades kina Kevin Garnett at Paul Pierce at maging kay coach Doc Rivers.
Sa katauhan ni Rondo ay makukuha ng Mavericks ang isang pass-first point guard na isang four-time all-star para makatuwang nina Nowitzki, Monta Ellis, Chandler Parsons at Tyson Chandler.
May 19-8 record ang Dallas ngayong season ngunit nasa third place sa Southwest Division at pang-anim sa Western Conference.
Nagkampeon ang Mavericks noong 2011.