MANILA, Philippines - Anumang araw ay inaasahang maglalabas ng kanyang official announcement si Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan kaugnay sa paghirang kay Tab Baldwin bilang bagong head coach ng Gilas Pilipinas.
Sa ulat ng isang New Zealand website ay ibinunyag ang pagluluklok kay Baldwin bilang kapalit ni Chot Reyes sa bench ng Nationals.
Ngunit hangga’t walang opisyal na pahayag si Pangilinan ay hindi muna ito paniniwalaan ni Baldwin.
“Nothing to confirm at the moment. Just rumors. I’m waiting like everyone else for the decision,” sagot naman ni Baldwin sa panayam sa kanya ng InterAksyon.com.
Ang 56-anyos na si Baldwin ang nagdala sa New Zealand sa semifinal round ng FIBA World Cup noong 2002 at iginiya ang Lebanon sa korona ng FIBA-Asia Stankovic Cup noong 2010 bago kinuha ng Jordan sa sumunod na taon.
Sa Christmas party namang ibinigay ng PTV5 sa sports media noong Miyerkules ng gabi ay binanggit ni Reyes na tiyak na ang paghirang kay Baldwin sa Gilas Pilipinas.
Sinabi ni Reyes na siya ang magiging team consultant, habang ang sinasabing ikinunsidera rin sa posisyon na si Jong Uichico ng Talk ‘N Text ang magiging assistant.
Sina Baldwin at Uichico ang naging team consultant at assistant, ayon sa pagkakasunod, ni Reyes sa kanyang nakaraang pagmamando sa Nationals.
Sinabi ni Pangilinan na sasalihan ng bansa sa susunod na taon ang FIBA Asia Championships sa China sa Agosto kung saan ang mananalo ang kakatawan sa Asia sa 12-team basketball event ng 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Samantala, darating sa Pilipinas ang isang five-man FIBA technical team sa Enero 26-30 para inspeksyunin ang mga venues na maaaring pagdausan ng mga laro kaugnay sa hangad ng Pilipinas na pangasiwaan ang 32-team World Cup sa 2019.
Ito ang ibinunyag kahapon ni PBA chairman Patrick Gregorio.
Sinabi ni Gregorio na ang bibisitahin ng nasabing FIBA team ay ang Smart Araneta Coliseum, Mall of Asia Arena, ang 55,000-seat Philippine Arena at ang alinman sa Solaire Arena at SM Coliseum sa Cebu na parehong nasa development stage.