GENERAL SANTOS CITY, Philippines – Isa na siyang 60-anyos at itinuturing nang lolo.
Ngunit kinalimutan ni Efren ‘Bata’ Reyes ang kanyang edad para pagharian ang MP (Manny Pacquiao) Cup Philippine Open 10-Ball noong Biyernes ng gabi rito sa SM City Mall.
Pinatumba ni Reyes si Demosthenes Pulpul, 11-10, para idagdag ang naturang korona sa kanyang mga naunang karangalan.
Nakapasok sa finals si Pulpul nang talunin si World No. 7 Carlo Biado, nakagawa ng rules infraction nang hindi sabihin ang kanyang final shot kasunod ang isang foul.
Nagawa rin ito ng Cagayan de Oro native sa kanyang Round-of-32 match kontra kay Roberto Gomez nang makalimutang sabihin na ipapasok niya ang ‘10’ ball.
Idineklara naman ni Reyes na isasalpak niya ang final ball sa left corner pocket na hindi kaagad pinaniwalaan ni Pulpul.
Nang magawa ito ni Reyes ay muling ipinakita ng billiards legend ang kanyang klasikong victory dance na pinalakpakan ng mga manonood.
Nakamit ni Reyes ang premyong $13,000 mula kay Congressman Manny Pacquiao, nasibak sa eliminations.
Ipagdiriwang ang kanyang ika-36 kaarawan sa Disyembre 17, makakatuwang ni Pacquiao si world champion Ronnie Alcano sa doubles event ngayong araw.