Lady Bulldogs, Lady Falcons kakapit pa

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan)

8 a.m. FEU vs UST (M)

10 a.m.  DLSU vs AdU (M)

2 p.m. UST vs AdU (W)

4 p.m. NU vs FEU (W)

 

MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng Natio­nal University Lady Bulldogs at Adamson Lady Falcons ang mapanatili ang kapit sa ikatlo at apat na puwesto sa pag-asinta ng panalo sa kanilang mga laro sa huling aksyon para sa 2014 sa 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Itataya ng Lady Bulldogs ang dalawang sunod na panalo sa pagbangga sa FEU Lady Tamaraws na magsisimula matapos ang pagkikita ng Lady Falcons at UST Tigresses sa alas-2 ng hapon.

Parehong may 2-2 karta ang NU at Adamson at balak ng dalawang koponan ang maisulong sa tatlong sunod ang pagpa­panalo.

Hindi magiging madali ang pakay ng NU at Adam­son dahil determinado ang Lady Tamaraws at Tigresses na wakasan ang kanilang mga losing streaks.

May dalawang dikit na talo ang FEU para makasama ng pahingang UP Lady Maroons sa ikaanim at pitong puwesto habang ang UST ay talunan sa kanilang huling tatlong laro para pumangalawa sa huli sa walong koponan (1-3).

Si Bernandette Pons na gumawa ng 22 puntos sa four-set pagkatalo sa La Salle Lady Archers sa huling asignatura ang aasahan pero dapat na gumawa rin ng magandang numero sina Remy Palma, Geneveve Casu­gud at Samantha Dawson para iangat ang FEU. (AT)

Show comments