MANILA, Philippines - Tila naging isang practice game lamang para sa No. 4 Talk ‘N Text ang kanilang quarterfinal game ng No. 9 Barako Bull.
Nagposte ng 26-point lead sa third period, inilampaso ng Tropang Texters ang Energy, 105-76, para umentra sa knockout stage ng quarterfinal round ng 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Mula sa malambot na depensa ay pinahigpit ng Talk ‘N Text, nagdala ng ‘twice-to-beat’ advantage, ang kanilang pagbabantay sa Barako Bull para itala ang 47-32 abante sa halftime mula sa maliit na 23-19 bentahe sa opening period.
“Our defense depends kung ano ‘yung kalaban namin,” sabi ni coach Jong Uichico. “We’re in the zone most of the time ‘coz we thought they’ll have a harder time against the zone defense.”
Pinalobo ng Tropang Texters ang kanilang kalamangan sa 101-66 sa huling apat na minuto ng fourth quarter para tuluyan nang sibakin ang Energy.
Sasagupain ng Talk ‘N Text, nasa five-game winning streak ngayon, ang mananaig sa banggaan ng No. 5 Ginebra, humahawak ng ‘twice-to-beat’ advantage, at No. 8 Globalport sa knockout stage ng quarterfinals.
“There’s still another game we have to think of,” wika ni Uichico.
Kung sinuman ang mananalo sa nasabing knockout phase ang siyang hahamon sa No. 1 San Miguel sa best-of-seven semifinals series.
Nauna nang inayos ng No. 3 Alaska at No. 6 Meralco ang kanilang knockout game matapos gibain ang No. 10 NLEX, 82-78, at ang No. 7 Purefoods, 77-65, ayon sa pagkakasunod, noong Huwebes.
Ang mananaig sa Aces at Bolts ang haharap sa No. 2 Rain or Shine Elasto Painters sa best-of-seven semifinals series.
Talk ‘N Text 105 - Rosser 19, Alas 14, Castro 14, Fonacier 11, Reyes R.J. 10, Washington 9, De Ocampo 7, Seigle 5, Aban 5, Carey 4, Reyes R. 3, Williams 2, Espiritu 2, Alapag 0.
Barako Bull 76 - Intal 16, Wilson 15, Miranda 9, Paredes 8, Marcelo 7, Lanete 7, Garcia 4, Salvador 4, Lastimosa 4, Matias 2, Holstein 0, Peña 0, Hubalde 0, Pascual 0.
Quarterscores: 23-19; 47-32; 76-52; 105-76.