Pacquiao may Plan B kung ayaw ni Mayweather

MANILA, Philippines – Makakahanap pa ng ma­gagandang laban si Manny Pacquiao sakaling hindi na naman matuloy ang potential fight niya kay Floyd Mayweather Jr.

Kung ayaw talaga siyang labanan ni Maywea­ther, makakatulog pa rin ng mahimbing si Pacquiao o hindi niya kailangang magmakaawa para maitakda ang kanilang upakan.

“There are a lot of exci­ting fights there that the fans are willing to see and pay for,” sabi ng ring adviser  ni Pacquiao na si Mike Koncz.

“But I don’t want to throw out names because if an opponent knows that we’re looking at them they’re going to jack up their prices,” wika pa nito.

Anim na beses pinatum­ba ni Pacquiao si Chris Al­gieri noong Nov. 23 sa Macau na nagpatunay na hindi pa nawawala ang kanyang lakas at liksi at nana­natiling kapana-panabik na boksi­ngero.

Matapos ang nasabing laban ay hinamon ni Pacquiao at ng kanyang promoter na si Bob Arum si Mayweather na gawin ang laban sa unang anim na buwan ng 2015.

Sinabi ni Pacquiao na kung papayag si Maywea­ther ay hindi ito magiging isang one-fight contract. Maaari niyang sagupain si Mayweather ng dalawa o tatlong beses o hanggang kapwa sila magretiro.

Hanggang ngayon ay hindi pa sumasagot si Floyd sa nasabing ha­mon.

Sinabi ni Koncz na puwedeng labanan ni Pacquiao si Mayweather sa 147 pounds o mas mataas pa ngunit hindi aabot sa 154.

Kung kontra sa ibang boksingero ay maaaring magdesisyon si Pacquiao na bumaba sa 140 pounds.

“Our attempt is to come down to 140. At 140 the knockouts will come back. Spectacular knockouts,” dagdag pa ni Koncz.

“I think we prove tonight that fighting at a lighter weight, we can stand on our own. Again, I don’t want to throw up names.”

Ang tanging pangalan na binanggit ng Canadian ring adviser ay si Juan Manuel Marquez na sinabi niyang wala na sa kanilang radar.

Sa 140 ay makikita ang mga pangalan nina Danny Garcia, Lucas Matthyse, Lamont Peterson, Ruslan Provodnikov, Mike Alvarado, Adrian Broner at Jessie Vargas.

Wala sa naturang mga pangalan ang tinukoy ni Koncz para makalaban ni Pacquiao.

Si Freddie Roach ay may napili.

“To me it’s Danny Garcia,” sabi ni Roach. (AC)

Show comments