MANILA, Philippines – Gumugulong na ang isang signature campaign para ipakita sa na tunay na nagkakaisa ang lahat ng sector at tutol sa ginagawang panggugulo ng ilan sa Philippine volleyball.
Isang milyong lagda ang kinakalap ng mga nagmamalasakit sa volleyball ng bansa na ngayon ay nagkakaroon uli ng sigalot nang maghiwalay ang mga dating magkaisang board members ng Philippine Volleyball Federation.
Mismong ang dating pangulo ng PVF na si Roger Banzuela ang nagkumpirma sa signature campaign gamit ang #OneForPhilippineVolleyball.
“Ang goal nito ay ipakita na united ang mga players, coaches at mga stakeholders para mawala ang gulo at suportahan ang national teams. Second is to send a strong message to those who want to interfere na hindi ito gusto ng volleyball. Hindi namin gusto ang sports politics na siyang number one problem kung bakit hindi umuusad ang sports sa bansa,” ani Banzuela na pinamamahalaan ang pagpapapirma sa Mindanao at Visayas.
Hindi lamang sa buong kapuluan ng bansa umiikot ang kampanya kundi pati ang mga dating coaches at players sa ibang bansa ay nakilahok din.
Kung may epekto ang bagay na ito ay hindi batid lalo pa’t sa Biyernes na bubuuin ang bagong PVF.
Isang pagpupulong ang gagawin ng five-man committee na pinangungunahan ng POC 1st vice-president at chairman ng komite na si Joey Romasanta para maglagay ng mga tao na siyang bubuo sa bagong volleyball federation na bibigyan ng basbas ng POC.
Makakasama sa pagpupulong sina Ramon Suzara, Ricky Palou at POC legal counsel Atty. Ramon Malinao para siyang sisipat umano sa bagong Constitution at By Laws ng samahan. Ang pagkilos ng POC ay may basbas umano ng Asian Volleyball Confederation at international body FIVB.