MANILA, Philippines - Pinatumba ni Georgian Grand Master Levan Pantsulaia si Filipino GM Julio Catalino Sadorra para kunin ang liderato sa Philippine International Chess Championship sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.
Tangan ang puting piyesa, binigo ni Pantsulaia si Sadorra sa 57 moves ng kanilang Gruenfeld encounter para ilista ang 3.0 points sa Open division ng nasabing nine-round $30,000 tournament.
Umangat si Pantsulaia, ang No. 3 seed sa kanyang Elo rating na 2583, kina GMs Merab Gagunashvili ng Georgia, Anton Demchenko ng Russia, Mikhail Mozharov ng Russia at Oliver Barbosa at Fide Master Randy Segarra ng Pilipinas.
Tinalo ng No. 22 ranked na si Segarra, ang coach ng De La Salle University chess team, si Armenian GM Avetik Grigoryan sa 58 moves ng isang Ruy Lopez para makisalo sa ikalawang puwesto sa torneong suportado ng Philippine Sports Commission at Puregold.
Nagmula sa magandang kampanya sa United States, pinayukod naman ni Barbosa si Sheider Nebato sa 27 moves ng Slav.
Nag-draw naman sina Gagunashvili at Demchenko kagaya nina Mozharov at top seed Ivan Popov ng Russia.
Si Popov ay may 2.0 points katabla sina Sadorra, Filipino GMs Darwin Laylo, Eugene Torre, Rogelio Antonio Jr. at John Paul Gomez, Filipino International Masters Kim Steven Yap at Haridas Pascua, Indian IM Narayanan Sunilduth Lyna, Fide Master Sander Severino at Merben Roque.
Ginulantang ni Roque si GM Richard Bitoon.