MANILA, Philippines - Habang puntirya ng San Miguel ang ikalawa at huling outright semifinals ticket, pinalakas naman ng nagdedepensang Purefoods ang kanilang frontline.
Inaprubahan kahapon ni PBA Commissioner Chito Salud ang paghugot ng Hotshots kay veteran Mick Pennisi mula sa Barako Bull Energy kapalit nina sophomore Isaac Holstein at veteran Ronnie Matias.
Ang 6-foot-7 na si Pennisi ay nagtala ng mga averages na 7.0 points at 5.0 rebounds para sa Barako Bull.
Kinuha ng Purefoods si Pennisi bunga ng injury ni Ian Sangalang.
Maghaharap ang Hotshots at ang Energy ngayong alas-2 ng hapon sa pagwawakas ng eliminasyon ng 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang nasabing laro ay dapat ginawa noong Sabado sa Dipolog City kundi lamang ito nakansela dahil sa bagyong ‘Ruby’.
Lalabanan naman ng Beermen ang Blackwater Elite sa ganap na alas-4:15 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Globalport Batang Pier at Meralco Bolts sa alas-7 ng gabi.
Inangkin ng Rain or Shine ang una sa dalawang outright semis berth mula sa kanilang 9-2 record kasunod ang San Miguel (8-2), Talk ‘N Text (8-3), Alaska (8-3), Ginebra (6-5), nagdedepensang Purefoods (5-5), Globalport (5-5), Meralco (5-5), Barako Bull (4-6), NLEX (4-7) at mga sibak nang Kia (1-10) at Blackwater (0-10).
Sa tournament format, ang Top Two teams ang kukuha sa outright semis seat, habang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 3, 4, 5 at 6 laban sa No. 10, 9, 8 at 7 teams, ayon sa pagkakasunod.