MANILA, Philippines – Tumahak sa magkaibang ruta ang nagdedepensang kampeon National University Bullpups at Ateneo Eaglets para manatiling walang talo matapos ang tatlong laro sa UAAP Season 77 juniors basketball kahapon sa Blue Eagle Gym.
Sinandalan ng NU ang lay-up ni John Clemente sa huling apat na segundo para ibigay sa koponan ang 59-57 panalo sa De La Salle-Zobel at palawigin sa 19-0 ang karta na nagsimula noong nakaraang season.
Si Clemente ay may 11 puntos upang suportahan ang 12 ni Jordan Sta. Ana at 11 puntos, 17 rebounds at 3 assists ni Mark Dyke.
Si Aljun Melecio ay mayroong 24 puntos habang 12 ang ibinigay ni Joaquin Banzon pero ang kanyang kabiguan na makumpleto ang isang three-point play sa huling 10 segundo ang nagpalasap sa Zobel ng kanilang ikalawang pagkatalo sa tatlong laro.
Nakitaan ng tibay ang Eaglets sa overtime tungo sa 76-73 panalo sa FEU-Diliman Baby Tamaraws.
Si Lorenzo Mendoza ay kumulekta ng 16 puntos kasama ang mahalagang buslo na nagbigay ng tatlong puntos na kalamangan tungo sa pagpapatikim sa FEU ng 1-2 baraha.
Kinuha ng Adamson Baby Falcons ang ikalawang panalo laban sa isang talo sa pamamagitan ng 68-37 pagdurog sa UE Junior Warriors habang ang UST Tiger Cubs ay nakatikim din ng unang panalo matapos ang dalawang sunod na pagkatalo sa 60-48 pamamayagpag sa UP Intergrated School Junior Maroons.
Sinandalan ng Adamson ang 13-0 iskor sa unang yugto para ipakitim sa UE ang ikatlong dikit na pagkatalo.
May double-double na 15 puntos at 11 boards si Miguel Jison para sa UST na ibinigay sa UPIS ang ikalawang pagkatalo laban sa isang panalo. (AT)