MANILA, Philippines – Kinalos ng nagdedepensang kampeon Philab Ballbusters ang UAAP champion Ateneo Eagles at Unicorns sa double-header game sa 2nd PSC Chairman’s Cup Baseball Classic kahapon sa Rizal Memorial Diamond.
Bunga nito ay pumasok ang Ballbusters sa finals ngayong umaga at makakaharap ang Air Force na may twice-to-beat advantage matapos pangunahan ang winner’s bracket.
Bumanat ng two-run homerun si Francis Candela para pagningningin ang anim na runs sa anim na hits na ginawa sa ninth inning tungo sa 12-1 panalo sa Eagles.
Sumunod na hinarap ng Philab ang Unicorns at kumawala ang Ballbusters ng dalawang runs sa unang dalawang innings para sa 8-3 panalo.
Ang panalo sa larong ito ay pambawi ng Philab mula sa 5-6 pagkatalo sa Unicorns sa unang laro dahilan kung bakit sila bumaba sa one-loss side.
Si Eric Francisco na siyang huling batter sa starting nine ng Philab, ay hindi sumablay sa tatlong pagpalo at naghatid pa ng tatlong runs.
Binulaga ng magkapatid na Jonard at Jenald Pareja ng magkasunod na hits ang starting pitcher ng Unicorns na si Carlos Muñoz para pasimulan ang mainit na paglalaro.
Si Jonard ay pumasok sa hit sa center ni Jenald na ibinigay ang ikalawang run mula sa error ng katunggali.
Sina Christian Canlas at Francisco ay may dalawang dikit na hits bago sila pinapasok ni Jonard sa single sa center para sa 4-1 kalamangan.
Inangkin ni Muñoz ng siyam sa 10 hits ng Philab sa unang anim na innings na pagpukol para lumabas na losing pitcher ng laro.
Ang Philab at Air Force ay naglaban din sa finals sa unang edisyon at ganito rin ang sitwasyon noon dahil bitbit ng Airmen ang twice-to-beat advantage pero natalo pa.
Ang nag-organisang si PSC chairman Ricardo Garcia ang siyang inaasahan na nasa awarding ceremony at siyang mag-aabot ng tropeo at P50,000.00 unang gantimpala sa magkakampeon.