MANILA, Philippines - Sasali uli ang Pilipinas sa 23rd World Memory Championship sa Hainan, China mula Disyembre 11 hanggang 13.
Ang Philippine Mind Sports Organization (PMSO) ang magpapadala ng delegasyon at bubuuin ito nina Grandmaster of Memory (GMM) Mark Anthony Castañeda, GMM Erwin Balines, Axelyancy Tabernilla, Jamyla Lambunao at Anne Bernadette Bonita.
Tutulong sa gastusin ng delegasyon ang New San Jose Builders Inc., Geotechnics Philippines Inc., E.M. Cuerpo Inc. at Destiny Paints.
Gaya ng sa huling tatlong taon, itinuturing na isa sa paboritong koponan dito ang Pilipinas lalo pa’t nagtapos ito sa pangatlong puwesto noong 2012 at pumang-apat naman noong isang taon sa likod ng Germany, Sweden at Mongolia.
Noong isang taon, nakapag-uwi ang koponan ng 11 medalya sa pangunguna ni Lambunao na nakapagtala ng dalawang world records sa Kids Division.
Ang child protégé ng St. Scholastica Academy Marikina ay nakapagmemorya ng 151 random words sa loob ng 15 minuto at 206 random numbers sa loob ng limang minuto para makopo ang pandaigdigang marka.