MANILA, Philippines - Sinolo ng nagdedepensang kampeon na si IM Srinath Sarayanan ng India ang liderato sa juniors division nang talunin si Filipino IM Jan Emmanuel Garcia gamit ang Ruy Lopez sa fourth round ng 2014 Asian Juniors and Girls Championships kahapon sa Tagaytay International Convention Center.
Puting piyesa ang ginamit ni Sarayanan at umabot ang laro laban sa second seed na si Garcia sa 48-sulong bago kinuha ang nangungunang 3.5 puntos.
Kapos sa pangalawang puwesto si FIDE Master Paulo Bersamina (3) dahil nahiritan siya ng draw ni Haque Siam Ikramul ng Bangladesh sa 62-moves ng Guico Piano.
Si Garcia na co-leader matapos ang ikatlong round, ay nanatili sa 2.5 puntos .
Nanalo si Candidate Master Marc Christian Nazario kay Al Rashedi Mayed ng United Arab Emirates at wagi si AlzarovniAhmad ng UAE kay Renz Marvin Santos para sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Nangunguna sa kababaihan si Kazakh WFM Sholpan Zhylkaidarova sa 3.5 puntos nang manaig kay PV Nandhidhaa ng India.
Ang top seed na si WIM Furtado Ivana Maria ng India ay nagwagi kay Filipino WFM Shania Mae Mendoza para makasama ng mga kababayang sina Joshi Supriya, J. Saranya at Rucha Pujar sa ikalawang grupo taglay ang tatlong puntos.