MANILA, Philippines - Sinungkit ni Olympian Michael Martinez ang pilak na medalya sa idinaos na International Skating Union Challenger Series Warsaw Cup sa Poland kamakailan.
Ang natatanging pambato ng bansa sa figure skater ay kumulekta ng 213.48 puntos para malagay sa pangalawang puwesto kay Alexander Petrov ng Russia.
Si Martinez ang natatanging South East Asian skater na kasali sa men’s category sa palarong kasama sa mga leg ng ISUCS.
Nakilala sa mundo si Martinez nang makapasok sa 2014 Winter Olympics sa Sochi, Russia, matapos ang pangpitong puwestong pagtatapos sa Nebelhorn Trophy.
Nalagay siya sa ika-19th puwesto sa pangkalahatan, bagay na ikinagulat ng marami dahil hindi nagkakaroon ng snow sa Pilipinas.
Sa ngayon, si Martinez na pumasok sa figure skating sa edad na walo nang nakita ang ibang nahihilig sa sport sa SM Southmall, ay nasa ika-25th puwesto sa world ranking.
Ang panibagong karangalan na hatid ni Martinez ay magtutulak pa sa Philippine Skating Union at SM na paigtingin ang mga programa para makatuklas pa ng mga bagong mukha gamit ang world-class venue na SM Skating Rink na matatagpuan sa SM Mega Fashion Hall sa Mandaluyong, SM Mall of Asia sa Pasay City at SM Southmall sa Las Piñas.