Titans, Pirates at Gems kakapit pa sa no. 6; Giants may pakay sa Alibaba

MANILA, Philippines – Paiigtingin pa ng Jumbo Plastic Giants ang kapit sa itaas ng team standings habang manatiling okupado ang mahalagang ikaanim na puwesto ang hangad ng AMA University Titans, Bread Story-LPU Pirates at Cebuana Lhuilllier Gems sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Katipan ng Giants ang Racal Motors Alibaba sa unang laro sa ganap na alas-12 ng tanghali at pa­kay ng tropa ni coach Stevenson Tiu ang kanilang ikatlong sunod na panalo tungo sa 5-1 baraha.

Galing sa mga kumbinsidong panalo ang Giants mula sa Wangs Basketball at MP Hotel Warriors at inaasahang hindi magkakaroon ng problema ang Giants na idispatsa ang Alibaba na kabilang sa apat na koponan na nasa hulihan ng team standings sa 1-4 karta.

“We need this win because every game counts in this league. We are expecting a tough outing since they have a very good coach so we have to be prepared,” wika ni Tiu.

Ang bench na siyang kuminang nang durugin ang Warriors sa huling laro, 94-57, ang siyang nais ni Tiu na magpatuloy ang magandang ipinakikita para maisantabi ang pagkakaroon pa ng mga iniinda sa ilang key players.

Ang ikalawang laro dakong alas-2 ng hapon ay sa pagitan ng Titans at Pirates habang ang huling laro dakong alas-4 ay sa panig ng Gems at MJM Builders.

Ang Titans, Pirates at Gems ay may 2-3 karta at magkakasama sa ma­halagang ikaanim na puwesto. Sa format ng liga, ang mangungunang anim na teams matapos ang single round elimination ang magpapatuloy ng kampanya sa titulo ng D-League.

Galing ang Titans mula sa 83-76 panalo sa Alibaba at sina Philip Paniamogan at JR Taganas ang mga sa­sandalan para ibigay sa koponan ang ikalawang dikit na panalo.

May 22 puntos si Pa­niamogan habang ma­tinding 21 puntos at 20 rebounds ang ibinigay ng 6’4 dating sentro ng San Beda na si Taganas sa huling laro.

Ang lakas sa guards na sina Almond Vosotros at Mar Villahermosa ang magdadala sa Gems na kinapos kontra sa malakas na Hapee Fresh Fighters, 66-72, sa huling laro. (AT)

Show comments