SALT LAKE CITY – Tinapos ng Los Angeles Clippers ang pitong road games sa 112-96 panalo laban sa Utah Jazz para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo nitong Sabado sa NBA.
Nagposte ng 28 puntos si Blake Griffin habang si Chris Paul ay naghatid ng 17 puntos bukod pa ang 10 assists para magkaroon ng 6-1 karta ang Clippers sa road trip.
Si JJ Redick ay nag-ambag pa ng 13 puntos at ang Clippers ay nanalo sa ika-12 sunod na pagkakataon sa Jazz.
Sa Cleveland, gumawa ng 28 puntos at 10 rebounds si Kevin Love, si Kyrie Irving ay naghatid ng 24 at si LeBron James ay may 19 at igiya ang Cleveland sa 109-97 pagwawagi sa Indiana Pacers.
Ibinuhos ni James ang 11 sa kanyang puntos sa ikatlong yugto para ipakita na walang masamang nangyari sa kanya nang naitukod ang kaliwang kamay nang bumagsak sa isang play sa ikatlong yugto.
Si David West ang nanguna sa Indiana sa kanyang 14 puntos.
Sa Philadlephia, pinalawig ng Dallas ang franchise losing record ng 76ers sa 16 sunod sa 110-103 panalo.
May 20 puntos at 13 boards si Tyson Chandler habang may 18 puntos si Monta Ellis para sa Mavericks na hindi nakasama si Dirk Nowitzki.
Ang 6’11 player ay pinagpahinga ni coach Rick Carlisle matapos ang 4-of-27 shooting sa 3-point line sa huling apat na laro.
Hindi kinaya ng triple-double na 18 puntos, 16 rebounds at 10 assists ni Michael Carter-Williams para pigilan ang pinakamasamang panimula ng 76ers na 0-15 noong 1972-73 season. Tumapos lamang ang koponan sa season na ito taglay ang 9-73 karta.