‘Skywalker’ nasa ICU pa rin, dasal kailangan

MANILA, Philippines – Nananatiling nasa intensive care unit (ICU) ang PBA Hall of Famer na si Avelino “Samboy” Lim matapos mawalan ng malay sa idinaos na Legends Game sa Ynares Sports Arena sa Pasig City nitong Biyernes.

Ang 6’1 na si Lim na kilala sa pro league bilang ‘Sky­walker’ dahil sa galing sa pagbitin sa ere, ay nag­lalaro para sa Legends na hawak ni William ‘Bogs’ Adornado nang biglang kumulapso matapos isalang ng ilang minuto sa unang yugto kontra sa Resorts World team na dinidiskartehan ni Pido Jarencio.

“The game had just started. He (Lim) had played about five to six minutes and had just been subbed by Vince Hizon when he collapsed,” wika ni Adornado.

Hindi na itinuloy ang laro at si Adornado kasama ang iba pang Legends na sina Alvin Patrimonio, Allan Caidic, Jerry Codiñera at Nelson Asaytono ang nagsugod kay Lim sa Medical City.

Hanggang ngayon ay wala pang naipapalabas na medical bulletin sa kalagayan ng dating national player kaya patuloy ang hingi ng pagdarasal ang kaanak ni Lim.

“Medical City Hospital will be releasing a statement soon in response to a lot of inquiries. To all Samboy’s friends and loving fans, please continue to pray for him,” wika ng nakatatandang kapatid ni Lim sa kanyang Facebook.

Marami ang nagulat sa nangyari kay Lim dahil kilala ito na maalaga sa kanyang kalusugan.

Show comments