Shakey’s GVL NCR elims papalo ngayon

MANILA, Philippines - Ipapakita ng Hope Christian High School ang kanilang mabangis na porma sa pagbubukas ngayon ng Shakey’s Girls’ Volleyball League Season 12 National Capital Region leg sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kalaban ng Hope Christian ang Academy of God’s Children sa ganap na alas-4 ng hapon sa Pool A.

Ang UST na hinuhulaang makakalaban ng Hope Chris­tian sa pangunguna sa unang six-leg nationwide elimination na handog ng Sha­key’s, ay magbubukas ng kampanya kontra sa Escuela de Sophia of Coloocan Inc. sa ganap na alas-3 ng hapon sa Pool B.

Ang iba pang laro ay sa hanay ng De La Salle-Zobel at Kings’ Montessori School sa Pool A sa ganap na ika-2 ng hapon at National U kontra Rizal High School dakong alas-5 sa Pool B.

Kasali rin ang Grace Christian College (Pool A) at Angelicum College (Pool B) sa kompetisyong suportado pa ng Mikasa, Asics, Volley Prep, Nature’s Spring, Sun Star, The Freeman Newspaper, Cebu Daily News, Sun Cellular at Millenia Suites.

Ang mangungunang dalawang koponan sa magkabilang pangkat ang aabante sa crossover semifinals para madetermina ang maglalaban sa titulo at magiging kinatawan ng NCR sa Shakey’s Volleyball League of Cham­pions (dating Tournament of Champions).

Ang mga nakakuha na ng puwesto sa League of Champions na gagawin mula Enero 11 hanggang 16, ay ang Iligan City National High School, St. John’s Institute, Tagum City National High School, University of San Carlos at Holy Family Academy.

Show comments