MANILA, Philippines - Pararangalan sina Anthony Semerad at Alfred Aroga, ang dalawang players na naging susi sa paghahari ng kani-kanilang koponan ng UAAP-NCAA Press Corps at ng SMART sa 2014 Collegiate Basketball Awards sa December 4 sa Saisaki-Kamayan Edsa.
Sina Semerad ng San Beda at Aroga ng National University ang napiling Pivotal Players, ibinibigay ng mga collegiate basketball scribes sa mga manlalarong nakatulong sa pagkakampeon ng kanilang mga koponan ngayong season.
Umiskor si Semerad ng 30 points para igiya ang Red Lions laban sa Arellano Chiefs at kunin ang kanilang pang-limang sunod na NCAA crown bago umakyat sa PBA para maglaro sa Globalport.
Dinomina naman ni Aroga ang UAAP titular showdown, tampok ang kanyang 24-point, 18-rebound effort sa Game Three para tulungan ang Bulldogs na wakasan ang kanilang 60-year title drought nang talunin ang Far Eastern University Tamaraws.
Samantala, bibigyan naman sina Glenn Khobuntin ng NU, Almond Vosotros ng De La Salle at Kyle Pascual ng San Beda ng Super Senior trophy sa recognition dinner na suportado ng Smart Sports, Accel 3XVI and Kohl Industries (Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer) at Mighty Mom dishwashing liquid).
Tatanggapin nina Khobuntin, Vosotros at Pascual ang kanilang award dahil sa kontribusyon para sa mga koponan nila sa UAAP at NCAA.
Sina Eric Altamirano ng NU at Boyet Fernandez ng San Beda ang tatanggap ng Coach of the Year plums sa awards night kasama sina Collegiate Mythical Team members Kiefer Ravena ng Ateneo, Earl Scottie Thompson ng Perpetual Help, Mac Belo ng Far Eastern University, Ola Adeogun ng San Beda at Jeron Teng ng De La Salle.