MANILA, Philippines - Makakatanggap ng matinding hamon si defending champion International Master Narayanan Srinath ng India kina Filipino bets IM Jan Emmanuel Garcia at Paulo Bersamina sa Asian Junior Chess Championship na isusulong ngayon sa Tagaytay International Convention Center sa Tagaytay City.
Pamumunuan ni Rep. Abraham Tolentino, nailuklok bilang World Chess Federation Secretary General, ang mga partisipante sa opening ceremony sa ala-1 ng hapon kasama sina DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali at Asian Chess Federation Executive Director Casto Abundo.
Inangkin ni Narayanan ang titulo ng Asian Juniors noong 2013 sa Sharjah, United Arab Emirates.
Taglay niya ang pinakamataas na FIDE rating na 2461 sa torneo para sa mga players na may edad 20-anyos pababa.
Ang 19-anyos na si Garcia, ang second seed player sa kanyang ELO rating na 2396, ay may International Master title rin na kanyang nakamit sa 2013 Asian U-18 championship sa Iran.
Ang third seed ay ang FIDE Master na si Bersamina, ang 16-anyos na miyembro ng national team sa nakaraang Chess Olympiad sa Tromso, Norway.
Isa ring title contender ay si FIDE Master Sumiya Bilguun ng Mongolia, ang fourth seeded na may ELO rating na 2249.
Ang iba pang kalahok ay sina Haque Siam Ikramul ng Bangladesh, 2155, Bibek Thing ng Nepal, Al Rashedi Mayed at Ahmad Al Zarouni ng United Arab Emirates, Radcliffe Paras ng Guam at sina Filipinos Marc Christian Nazario, Daryl Unix Samantila, John Merill Jacutina at Istraelito Rilloraza.