MANILA, Philippines - Naapektuhan ang hangarin ng BSCP na humakot ng mga medalya sa 2015 SEA Games dahil sa diskarte sa iskedyul ng laro ng host Singapore.
Sa panayam sa pangulo ng BSCP na si Bong Ilagan, kanyang sinabi na halos pinagsabay-sabay ng host country ang mga events sa billiards dahilan para maging imposible ang tokahan ng maraming laro ang isang atleta mula sa ibang bansa.
“It’s a way para hindi puwede na isang manlalaro ay maglalaro ng ilang events dahil magkakasabay halos lahat. Kaya marami ang maaapektuhan nito at papabor sa host country,” wika ni Ilagan.
Binawasan din ang events sa pool sa kababaihan dahil 9-ball singles na lamang ang paglalabanan dito. Ang men’s pool ay magkakaroon ng singles at doubles.
Nakikita naman ni Ilagan na hindi mabobokya ang Pilipinas dahil malakas ang panlaban sa pool events lalo na sa kababaihan matapos magpasiklab ang 15-anyos na si Cheska Centeno sa World Juniors Pool Championships nang manalo ng bronze medal sa kompetisyong ginawa sa Shanghai, China kamakailan.
Bukod kay Centeno ay naririyan pa sina Rubilen Amit at Iris Ranola na dating mga SEA Games champion.
Ang kalalakihan ay pangungunahan nina Dennis Orcollo at Carlo Biado habang si Francisco “Django” Bustamante ay nagdesisyon na maglalaro uli matapos umakto bilang coach noong 2013 SEAG sa Myanmar na kung saan sina Orcollo at Amit ay nagkampeon sa 10-ball.
“May mga mahuhusay na rin tayong snooker players habang may laban din sa carom. Sa tantiya ko, kayang makakuha ng at least dalawang gold medals sa Singapore,” may kumpiyansang pahayag ni Ilagan.