MANILA, Philippines – Binigyan ng Foton Tornadoes ang sarili ng magandang pagtatapos ang kampanya sa elimination round nang kunin ang 25-19, 25-17, 22-25, 25-23 panalo laban sa Cignal Lady HD Spikers sa 2014 Philippine Superliga na handog ng Asics kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Nagdomina ang mga Russian imports ng Tornadoes na sina Irina Tarasova at Elena Tarasova sa kanilang 25 at 20 puntos, tampok ang pinagsamang 31 kills, habang si Dona Mae Factor ay may 11 puntos upang ibigay sa expansion team ang ikatlong panalo sa 10 laro sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado ng Air 21, My Phone,Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Ito ang unang pagkakataon na nagdaos ang PSL ng laro sa Biñan at nangyari ito sa suportang ibinigay ni Mayor Marlyn “Len” Alonte na sinaksihan din ang kapana-panabik na laro.
Tinapos ng Cignal ang elims tangan ang 4-6 karta ngunit hindi na apektado ang koponan dahil lalaro sila sa semifinals katunggali ang number one team na Petron Lady Blaze Boosters sa Biyernes.
Magkakalaban pa ng Foton ang Mane ‘N Tail Lady Stallions na may 3-7 karta sa Nobyembre 30 para sa ikalimang puwesto sa anim na koponang liga.