MANILA, Philippines – Masusukat ngayon ang tibay ng Hapee Fresh Fighters sa pagharap sa Cebuana Lhuillier Gems sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa TIP Gym sa P. Casal, Manila.
Hindi pa natatalo matapos ang apat na laro, ang Fresh Fighters ay haharap sa Gems sa ganap na alas-2 ng hapon na hindi kasama ang mga bigating manlalaro mula sa NCAA titlist na San Beda.
Sina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz ang ilan sa mga key players ng Red Lions na hindi makakapaglaro sa koponan dahil tutulungan nila ang San Beda na manalo sa Finals ng Philippine Collegiate Champions League na gagawin din ngayong hapon.
Malakas pa rin ang puwersa ni coach Ronnie Magsanoc dahil naririyan pa sina Bobby Ray Parks, Jr., Garvo Lanete, Kirk Long, Earl Scottie Thompson at Troy Rosario ngunit dapat ay magdoble-kayod ang mga ito para punan ang nawalang produksyon at masabayan ang inspiradong paglalaro ng Gems.
Ang Hapee ang number one defensive team sa ibinibigay na 58 puntos sa kalaban noong kumpleto ang kanilang puwersa.
May pantay na 2-2 karta ang bataan ni coach David Zamar at galing sila sa 77-57 pagdurog sa Tanduay Light Rhum Masters para pigilan ang magkasunod na pagkatalo.
“It will be tough but we hope to ride on the momentum we gained from our last victory,” wika ni Gems coach David Zamar.
Ang Rhum Masters ay mapapalaban sa Café France sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon at hanap na wakasan ang tatlong sunod na pagkatalo tungo sa 1-3 baraha.
Nagwakas ang three-game winning streak ng Bakers nang naisuko ang 84-89 double overtime pagkatalo sa Cagayan Valley na may 4-0 karta rin. (AT)