Delarmino sinuwerte, lalaban sa gold

PHUKET, Thailand – Lalaban si Phillip Delarmino sa gold medal ng muay thai event sa 4th Asian Beach Games.

Ito ay matapos hindi su­mipot si Ahmed Salam Murad ng Iraq sa kanilang laban ni Delarmino, ang silver medalist sa 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar, sa 54kg. division sa Patong Central Beach.

Lalabanan ng bantamweight mula sa Duma­ngas, Iloilo para sa gintong medalya si Thai Parin Luangpon, nanaig kay Korean Kim Sangjae.

Minalas naman sina fly­weight Manuel Delos Reyes, lightweight Alvin Berto at middleweight Joel Zaspa sa kanilang mga nakaharap sa semifinals para makuntento sa bronze.

Natalo si Delos Reyes kay Thai Arnon Phonkrathok (51kg) sa puntos, 5-0, hanggang yumuko si Berto kay Kyrgyzstan bet Mirbek Sartkalmakov (60kg), 5-0.

Nabigo naman si Zaspa kay Hossein Karami ng Iran, 5-0 sa kanilang 75kg meeting.

Ang mga Filipino athletes ay mayroon ngayong 3 gold, 1 silver at 7 bronze medals para pumuwesto sa ika-14 sa hanay ng 45 bansa.

Show comments