MACAU – Sa mga oddmakers, si Manny Pacquiao ay tumatayong 7-1 favorite laban kay American challenger Chris Algieri.
Ang sinasabing katanungan na lamang ay kung saang rounds mapapabagsak ni Pacquiao si Algieri.
Limang taon nang hindi nakakapagpabagsak ng kalaban si Pacquiao na nagbigay ng pangamba sa kanyang fans kung kaya pa niyang makapagpatumba.
Nauna nang sinabi ni chief trainer Freddie Roach na hindi matatapos ang laban na nakaiskedyul ng 12 rounds.
At inaasahan niyang si Pacquiao ang mananalo.
“Manny is really ready. I said we’re going to knock him out because I have confidence in my fighter,” sabi ni Roach.
Hindi si Pacquiao ang klase ng fighter na nagsasabi ng knockouts kahit na mayroon siyang 38 knockouts sa bitbit na 56-5-2 record.
Subalit sinabi ni Roach na nararamdaman niyang hangad ni Pacquiao na mapabagsak si Algieri.
“He needs a big win right now and he knows that to make the world come back on his side. He really, really deep down wants to win by knockout,” wika pa ng premyadong trainer.
Tatanggap si Pacquiao ng guaranteed purse na $23 million, samantalang tatanggap naman si Algieri, hindi pa natatalo sa kanyang 20 fights at may 8 knockouts, ng $1.5 million.
Ito ang magiging pinakamalaking paycheck para sa guwapong boxer at dating kick-boxing champion matapos bayaran ng $100,000 sa kanyag panalo kay Russian ‘beast’ Ruslan Provodnikov noong Hunyo.
Naipanalo ni Algieri ang laban kahit na dalawang beses bumagsak sa opening round.
Matapos ang weigh-in, sinabi ni Pacquiao na gustung-gusto niyang labanan ang mga undefeated boxers.
“It’s such an honor,” sambit nito.
Sinabi naman ni Algieri na gusto niyang sagupain ang mga experienced boxers.
Alam ni Algieri na kaya niyang talunin si Pacquiao.
“I know I did all the hard work I needed to do. And I have the skills to do it. This is a dream come true,” sabi ni Algieri.