MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang pagpapanalo ng Perpetual Help Altas nang kalusin nila ang San Sebastian Stags, 25-21, 25-17, 25-16, sa 90th NCAA volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lakas uli sa depensa na trinangkuhan ni Rey Taneo na gumawa ng anim na blocks at anim na kills para sa 12 puntos, ang ipinamalas ng Altas para kunin ang ika-51 sunod na panalo at 4-0 sa liga.
Isinantabi ng Altas ang pagdikit ng Baste sa attack points, 30-29, nang kunin ang12-1 bentahe sa blocks. Kinapitalisa rin ng nagdedepensang kampeon ang 28 errors ng katunggali para patuloy na pangunahan ang liga.
Si Richard Tolentino ay may 15 puntos na lahat ay ginawa sa atake pero kulang siya ng suporta sa mga kasamahan para lasapin ng Stags ang unang kabiguan matapos ang dalawang sunod na panalo.
Hindi naman nagpadaig ang Lady Stags nang kanilang pabagsakin mula sa unang puwesto ang nagdedepensang kampeon Perpetual Lady Altas sa kumbinsidong 25-17, 25-17, 26-24, panalo sa women’s division.
Naisantabi ng multi-titled San Sebastian ang pagkakaroon lamang ng pitong hits ng pambatong si Gretchel Soltones dahil sa magandang ipinakita nina Jolina Labiano, Nikka Marielle Dalisay at Nikka Arabe na nagsanib sa 35 puntos.
Nanalo naman ang St. Benilde sa Jose Rizal University para manatiling nasa liderato sa magkabilang dibisyon. (AT)