MANILA, Philippines – Tinapos ng RC Cola-Air Force Raiders ang pamamayagpag ng Petron Lady Blaze Boosters sa 25-20, 25-20, 16-25, 25-22 panalo sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome.
Si Emily Brown ay naghatid ng 13 kills at tig-dalawang blocks at aces tungo sa 17 puntos, habang sina Joy Cases at Bonita Wise ay nag-ambag ng 14 at 13 puntos para manatili ang Raiders sa ikalawang puwesto sa 4-3 baraha.
Ito ang unang pagkatalo ng Petron sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado ng Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healtyway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
May 25 puntos si Alaina Bergsma, habang si Dindin Santiago ay may 13 hits pero ininda ng koponan ang malamig na panimula sa naunang dalawang sets.
Nakabawi man sa third set ay hindi napagtiyagaan ng Raiders na tapatan ang malakas na pagbangon ng katunggali para mangibabaw sa fourth set.