Javier kumuha ng bronze medal sa Beach Games

PHUKET, Thailand – Inangkin ni Robeno Javier ang bronze medal sa men’s duathlon para ipagpatuloy ang pagkolekta ng bansa ng medalya sa  4th Asian Beach Games dito.

Pumangatlo si Javier, ang top male duathlete ng bansa, sa likod nina gold medalist Ryo Sueoka at Yu­ya Fukaura ng Japan sa five-kilometer run, 20km bike and 2.5km run event na idinaos sa Sirinat Natio­nal Park.

Umabante si Sueoka sa huling kilometro para mag­tala ng bilis na 54 mi­nuto at 20 segundo at iwa­nan sina Fukaura, na nag­lista ng 54 minuto at 25 segundo.

Naorasan si Javier ng 54:57 kasunod sina Indo­ne­sian Johan Jauhari (56:00) at Filipino Carlo Pedregosa (56:30).

Tumapos naman sa pang-apat na puwesto sa wo­men’s division si world championship campaigner Mirasol Abad.

Si Japanese Yuri Kato ang nagreyna sa kanyang bilis na 1:02:58 kasunod sina Long Hoi ng Macau at Matsumoto Fumika ng Ja­pan.

Nagsumite si Abad ng oras na 1:08:04 kasunod ang kababayang si Miscelle Gilbuena (1:09:22).

Nauna nang nakakuha ng dalawang gold medal sina Annie Ramirez at May­belline Masuda na sinundan ng bronze medal ni John Baylon sa ju-jitsu.

Show comments