MANILA, Philippines - Iiwan na ni WBO light flyweight champion Donnie Nietes ang pinaglalaruang dibisyon matapos ang laban kontra kay Carlos Velarde ng Mexico bukas ng gabi sa Waterfront Hotel and Casino Ballroom.
Ang 32-anyos na si Nietes ang magtatangka na gumawa ng kasaysayan sa 12-round title fight na ito na siyang tampok na laban sa Pinoy Pride 28 na itinataguyod ng ALA Promotions at ABS-CBN.
Kung manalo si Nietes at manatiling kampeon hanggang Disyembre 31, mapapantayan niya ang pitong taon at tatlong buwan na paghahari ni Gabriel “Flash” Elorde.
Si Elorde ay hari ng junior lightweight division mula March 15, 1960 hanggang Hunyo 15, 1967.
Makapantay man si Nietes, mas mabigat pa rin ang ginawa ni Elorde dahil sa isang dibisyon lamang siya nanatili kumpara sa una na pinagtahi ang paghahari sa dalawang dibisyon.
Magkaganito man, wala ng ibang Filipino boxing champion na tumagal sa ganitong kahabang panahon.
“I’m sure there is pressure on Donnie right now as everyone is talking about him surpassing Elorde’s record but we are confident that Donnie will be able to handle the pressure well,” wika ni ALA Promotions president Michael Aldeguer.
May 33 panalo (19KO) at isang talo at apat na tabla si Nietes sa 38 laban at nagsimula ang kanyang paghahari noong Setyembre 30, 2007 nang mapanalunan ang bakanteng WBO minimumweight title laban kay Pronsawan Porpramook ng Thailand.
Umakyat siya sa light flyweight noong Oktubre 8, 2011 at umani ng unanimous decision panalo kay Ramon Garcia Hirales.
Ang 24-anyos na si Velarde ay mayroong 26 panalo (14KO), tatlong talo at isang draw sa 30 laban.
Ito ang kanyang ikalawang pagtatangka na makahawak ng lehitimong korona matapos mabigo kay Ryo Miyazaki para sa WBA World Minimumweight title noong Mayo 8, 2013, nang matulog siya sa fifth round.
Aakyat na ng dibisyon si Nietes dahil halos wala na rin siyang makalaban sa pinaglalabanang timbang.
“We have plans to promote Donnie in the US or Dubai next year. I’m sure the international audience will look at him differently now especially if he breaks Elorde’s record,” ani Aldeguer.