Solo liderato uupuan ng Hapee vs MJM Builders

MANILA, Philippines – Muling sasandalan ng Hapee ang talento ng ka­nilang manlalaro para madugtungan ang pagpapanalo na ginagawa sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kalaban ng Fresh Figh­ters  ang MJM Builders sa ikalawang laro dakong alas-2 ng hapon at masosolo ng koponan ni coach Ronnie Magsanoc ang liderato na kasalukuyang pinagsasaluhan ng apat na teams.

Ang Jumbo Plastic G­iants, Cagayan Valley Rising Suns at Café France Bakers ang  iba pang may dalawang dikit na panalo sa  liga.

Hindi pa nakakapag-ensayo ang Hapee ng kum­pleto dahil karamihan sa kanilang manlalaro ay naghahanda para sa ligang sasalihan ng mga school teams.

Kahit ganito ang sitwas­yon ay nanaig sila sa AMA University Titans (69-61) bago dinurog ang Tanduay Light (73-53).

Ikalawang panalo ang pakay ng Wangs Basketball at MP Hotel Warriors sa magkahiwalay na laro na kanilang haharapin.

Katunggali ng Wangs ang Racal Motors sa ganap na ika-12 ng tanghali habang ang Warriors ay makikipagsukatan sa Titans sa huling laro dakong alas-4.

Show comments