MANILA, Philippines – Nakatanggap ng solidong suporta si American import Kristy Jaeckel mula sa kanyang mga local teammates para sa 25-22, 25-15, 25-21 panalo ng Mane ‘N Tail laban sa Generika sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome.
Ito ang ikalawang panalo ng Lady Stallions sa women’s division ng inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Humataw si Jaeckel ng 22 hits at 3 aces para tumapos na may 26 points, mababa sa kanyang average na 36 points per game sa kanyang unang apat na laro.
Ngunit hindi na kinailangan ang malaking produksyon ni Jaeckel.
Nagbigay ng solidong suporta sina Lilet Mabbayad at Michiko Castañeda nang limitahan si Russian import Natalia Korobkova at ang Life Savers.
Nag-ambag sina Mabbayad at Castaneda ng tig-6 points kagaya ni American Kaylee Manns.
Ibinigay ni Jaeckel sa Mane ‘N Tail ang 23-18 abante sa third set patungo sa kanilang pagpapayukod sa Generika.
Tumapos si Korobkova na may 12 points habang nagdagdag si Aby Maraño ng 10 sa panig ng Life Savers.