MANILA, Philippines – Itinakda nina third pick Janus Ringia at unseeded Jose Maria Pague ang kanilang finals match sa boys’ 14-under nang talunin ang kanilang mga kalaban sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor shell clay courts sa Paco, Manila.
Tinalo ni Ringia ang second seed na si Stephan Lhuillier, 6-3, 6-3, habang giniba ni Pague ang No. 1 na si Marcus Del Rosario sa iskor na 6-3, 6-4.
Umabante rin sa finals ang fifth seed na si Brent Signmond Cortes nang sibakin si top seed Miguel Luis Vicencio, 4-2, 4-2, sa 10-under unisex ng torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Lalabanan ni Cortes sa finals si No. 3 Rupert Ohrelle Tortal na umiskor ng 5-3, 4-2 panalo laban kay second seed Rafael Liangco.
Nagtala ng magkaibang panalo sina top seed Miles Vitaliano at Alexandra Eala para itakda ang kanilang paghaharap sa finals sa girls 12-under category.
Inilusot ni Vitaliano ang 6-2, 6-4 panalo kay No. 4 Lourdes Pe at awtomatikong pumasok sa finals si Eala dahil sa walkover win kay Denise Bernardo.
Sa girls’ 16-under, isang matinding puwersa ang inilatag ng unranked na si Angela Cabaral para patumbahin si No. 2 Toni Rose Raymundo, 6-3, 6-3, at makuha ang unang finals slot.
Haharapin ni Cabaral para sa korona ang magwawagi sa pagitan nina top seed Chloe Mae Saraza at Nica Alanis.
Hahataw naman ang bakbakan sa semis nina Vincent Alanis at Jake Martin, at nina Cenon Gonzales Jr. at Fernando Arguelles (boys’ 16-under), at salpukan nina Chris Justine Prulla at Argil Lance Canizares, at Joshua Cano at Marcen Angelo Gonzales (boys’ 18-under) sa event na suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission, TLH Sports & Wellness Center/Solinco, Avida Land Corporation, Stronghold Insurance, Ryobi MHI at GMA 7.