MANILA, Philippines – Sasamantalahin ng Cagayan Valley ang kakulangan ng mga maaasahang manlalaro ng Army sa ikalawang laro sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference Finals ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay mapapanood dakong alas-2:45 ng hapon matapos ang pagtutuos ng Systema Active Smashers at Instituto Estetico Manila Volley Masters sa alas-12:45 ng hapon para sa kampeonato sa kalalakihan.
Ang Systema ang nakauna sa best-of-three series sa 21-25, 23-25,25-19, 25-23,16-14, sa unang pagkikita na ginawa noong nakaraang Linggo.
Inaasahan naman na ginamit ng Volley Masters ang mahabang pahinga para mapaghandaan ang Systema at mapaabot sa Game Three ang serye sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may suporta pa ng Accel at Mikasa.
Nakaisa rin ang Lady Rising Suns sa Lady Troopers sa ligang ito matapos angkinin ang 25-23, 20-25, 25-21, 25-18, panalo sa unang bakbakan.
Napapaboran pa ngayon ang koponan ni coach Nestor Pamilar na mabawian ang Army matapos agawin ang hawak na titulo sa Open Conference.
Ito ay dahil sina 6’2 Dindin Santiago at Carmina Aganon ay hindi makakapaglaro sa Army dahil isusuot nila ang uniporme ng mother team sa commercial league na kasabay na magdaraos ng laro ngayon.
Hindi naman ipinapasok ni Pamilar sa isipan nila ang bentaheng ito.
“Pinaghahandaan namin sila na maglalaro ng kumpleto. Kung totoo man ang balita, malaking bagay ito at hahanapan namin ng paraan para kapitalisahin ang advantage na ito,” wika ni Pamilar.
Ang mahusay na Thai import na sina Patcharee Saengmuang at Amporn Hyapha ang sasandalan ng Cagayan pero dapat na magpatuloy ang magandang suporta ng ibang locals tulad ng setter na si Shie Caet.
Sasandalan naman ni Army coach Rico de Guzman ang puso at determinasyon ng mga datihan sa koponan para maitabla ang serye sa 1-1.
Sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Mary Jean Balse, Nerissa Bautista at Tina Salak ang mga makikitaan ng husay para mapigilan ang tangkang sweep ng Cagayan.
Kung magkaroon ng sudden-death sa dalawang championship games, ito ay gagawin sa susunod na Linggo.