Del Rosario nagparamdam agad

MANILA, Philippines - Magandang panimula ang ginawa ni Liza del Rosario sa pagbubukas ng 50th Qubica AMF Bowling World Cup nang pangunahan  niya ang mga kalahok sa unang 10 sa 20 qualifying ga­mes noong Miyerkules sa Sky Bowling Center sa Wroclaw, Poland.

Si Del Rosario na kasama sa koponang nagkampeon sa World Women’s Trios noong 2003, ay nag­pagulong ng 2,304 pinfalls matapos ang 10 laro para sa 230 average. Siya ay lamang lang ng 24 pins kay Brittni Hamilton ng USA na may 2,280.

Nakuha ni Del Rosario ang kabuuang puntos matapos ang 244, 236, 213, 287 at 215 sa unang limang laro bago sinundan ng 256, 207, 246, 217, 183 sa huling limang laro.

Nasa ikatlong puwesto si Rebecka Larsen ng Sweden sa 2,269 habang ang iba pang nasa unang sampung posisyon ay sina Clara Juliana Guerrero ng Colombia (2,229), Martina Schultz ng Germany (2,183), Sandra Gongora ng Mexico (2,163), Amanda Larkin ng Ireland (2,159), Daria Kovalova ng Ukraine (2,150), Kaitlyn Commane ng Australia (2,149) at Piritta Maja ng Puerto Rico (2,130).

Ang nagdedepensang kampeon na si Caroline Lagrange ng Canada ay nasa ika-20th puwesto bitbit ang 2,004 pinfalls.

Si Biboy Rivera ang pam­bato ng bansa sa kala­lakihan ay nasa palabang ikaapat na puwesto sa 2,330 o 233 average.

Nasa ikatlong paglahok sa prestihiyosong kom­­­petisyon sa bowling, naghahabol si Rivera kina Tobias Bording ng Germany (2,441), Oron Cohen ng Israel (2,344) at Chris Barnes ng USA (2,335).

 

Show comments